DAGUPAN CITY- Tumaas na sa 30 Local Government Units (LGUs) ang apektado sa nararanasang pag-ulan at pagbaha sa lalawigan ng Pangasinan dulot ng Bagyong Emong at Tropical Storm Dante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vincent Chiu, Operation Supervisor ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), ito ay may katumbas na 417 na barangay o 152,000 na pamilya.
Aniya, itinaas na rin sa State of Calamity ang 9 bayan sa lalawigan; Dagupan City, Calasiao, Lingayen, Mangaldan, Mangatarem, Malasiqui, San Carlos City at Sta. Barbara.
Sa kanilang monitoring, tumaas na sa critical level at nag-overflow na ang Marusay River, sa Calasiao at ang Sinucalan River naman ay nakikitaan na ng pagtaas.
Samantala, hindi pa umano nila nakikitang magbubukas ng gate ang San Roque Dam, Binga Dam, at ang Ambuclao Dam dahil mababa pa ang lebel ng tubig nito.
Gayunpaman, nakapagtala na sila ng 138 na barangay na nakararanas ng pagtaas ng baha.
Saad pa ni Chiu na nagsagawa na rin sila ng relief operations sa mga evacuation centers at binibisita na rin ang mga ito ni Pangasinan Gov. Ramon “Mon-mon” Guico III.
Nakikiusap naman sila sa publiko na sumunod agad sa mga awtoridad, partikular na sa pre-emptive evacuation, upang matiyak ang kaligtasa ng bawat isa.
At habang hindi pa tumataas ang tubig baha ay mas mabuti aniyang lumikas na agad.