BOMBO DAGUPAN- Ikinalungkot ni Vladimer Quetua, Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers Philippines, nang hindi naisakatuparan ni Vice President Sara Duterte ang learning recovery sa edukasyon ng bansa matapos ang pandemya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakaniya, sinabi pa ng bise presidente na babaguhin nito ang sistema sa edukasyon subalit nakapagtala naman ang kaniyang pamumuno ng “unutilized” mula sa ibinigay na pondo para sa Department of Education.

Kabilang na dito ang nakasaad sa report ng Commission on Audit na P3-billion para sa procurement of learning tools and equipment.

--Ads--

Maliban diyan, hindi naman updated ang system ng mga laptops at e-learning materials sa pinaggastusan ng P8-billion na bidding ng DepEd. At sa ngayon, karamihan nito ay naibalik na ng mga guro dahil hindi naman napakinabangan.

Gayunpaman, hindi na ikinagulat ni Quetua ang malaking paggastos sa budget ng edukasyon dahil ginagawa lamang na negosyo ang isang posisyon sa gobyerno.

Subalit, nakakagalit pa din dahil walang nakitang pagmamalasakit sa dating kalihim ng edukasyon na si VP Duterte pagdating sa edukasyon.

Naabala lamang ang mga guro sa paggastos dahil sa pag-iral umano ng kurapsyon.

At dahil diyan, dapat lamang na tutukan ang budget para sa 2025 upang hindi lamang ito pakinabangan ng mga politiko.