DAGUPAN CITY- Hindi na ikinabigla ni Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center For People Empowerment in Governance, ang pagbitiw ni ex-DPWH Sec. Rogelio Singson sa pagiging miyembro nito sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil sa kakulangan ng kapangyarihan ng komisyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya, nalilimitahan ang kakayanan ng ICI sa imbestigasyon dahil nasa ilalim pa ito ng executive order.
Aniya, nagkakaroon ng malaking pressure sa komisyon ngayon may nadawit na kamag-anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Binigyan halaga niya ang kapangyarihan ng ICI para mapaharap ang kanilang mga iniimbitahan na may kinalaman sa Flood Control Projects.
Sinabi ni Simbulan na malaking pagkawala ang pagbitiw ni Singson dahil sa maliban sa dating kalihim ng DPWH, engineer din ito at may kaalaman sa imprastraktura.
Naniniwala naman siya na maaaring humalili si dating COA Commissioner Heidi Mendoza dahil naman sa kaalaman nito sa pinanggalingang ahensya at tapang nito sa pag imbestiga.
Dagdag pa ni Prof. Simbulan, ‘deserve’ na ni Singson ang retirement dahil sa edad nito at sa stress na nakukuha mula sa mga imbestigasyon ng ICI.
Mabigat rin kase aniya ang mga gampanin kung magpapatuloy ito sa pagdalo sa mga imbestigasyon lalo na’t malaking tulong ang experience nito.










