DAGUPAN CITY- Kailangang tugunan ng pamahalaan ang mga kakulangan sa basic education dahil kinabukasan ng mga bata ang nakasalalay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vladimer Quetua, Chairperson ng ACT-Philippines, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng agarang pagtugon sa mga kakulangan sa basic education sa bansa.

Aniya, isa sa mga pangunahing suliranin ay ang kakulangan ng mga silid-aralan, kung saan patuloy ang siksikan sa mga classroom na labis na nakaapekto sa kalidad ng pagkatuto.

--Ads--

Bukod dito, kulang rin sa mga guro at learning materials na kailangan sa epektibong pagtuturo.

Marami aniya sa mga silid-aralan ang wala o may kakulangan sa ilaw, bentilador, at iba pang mahahalagang pasilidad.

May mga guro rin aniya na napipilitang magturo ng mga asignaturang hindi nila forte, dahil sa kakulangan sa teaching staff.

Nanawagan si Quetua na pakinggan ang mga boses ng sektor ng edukasyon at gawin itong pangunahing prayoridad ng pamahalaan.

Dagdag pa niya, patuloy rin nilang binabantayan ang mga kaso ng bullying sa mga paaralan na maaaring sumiklab anumang araw kung hindi agad na matutugunan.