BOMBO DAGUPAN -Kahon kahon na mga peke at ipinagbabawal na sigarilyo ang nakumpiska sa limang mga lugar sa lalawigan ng Pangasinan.
Ito ay kasunod na rin ng isinagawang simultaneous operation ng Bureau of Internal Revenue o BIR kontra pekeng sigarilyo sa buong bansa sa pakikipagtulungan sa hanay ng PNP at Local Government Unit (LGU).
Ayon kay Atty. Ted Paragas, Chief, Regional Investigation Division ng BIR Regional Office 1, maraming nakapasok na illegal na mga pekeng sigarilyo na walang revenue stamp sa siyudad ng San Carlos, bayan ng Basista, Urbiztondo, Mangaldan, at Agno.
Aniya ang mga nahuling mga produkto ay hindi dumaan sa BIR at walang nabayarang excise tax na maituturing na illegal sa batas.
Hindi rin dumaan sa anumang legalidad sa pagbebenta kaya ito ay naibebenta ng mura.
Kaya naman babala ni Paragas sa mga nagbebenta ng mga ganitong mg produkto ay maari silang kumaharap sa kaso na may kinalaman sa paglabag sa nakapaloob sa Section 1 ng National Internal Revenue Code at kasong tax evasion lalo na at hindi nabuwisan ang mga naturang produkto.
Paalala naman niya sa mga illegal traders sa sigarilyo ay itigil na ang ginitong gawain dahil maraming kaso ang maari nilang kaharapin
Sa ngayon ay inaalam pa ang kabuuang halaga at bilang ng mga nakumpiskang mga sigarilyo.
Sa ngayon, nasa 378 na mga stores sa buong bansa ang nabisita ng naturang ahensya kauganay sa naturang operasyon.