DAGUPAN CITY- Binigyan diin ni Mary Ann Escoto, PENR Officer, Department of Environment and Natural Resources (DENR) Pangasinan, ang kahalagahaan ng pagiging responsable ng bawat inidibidwal sa pangangalaga ng kalikasan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya, ang mga simpleng gawain tulad ng pagtatapon at pag-segregate ng mga basura ay malaking tulong upang maiwasan ang pagbabara ng mga daluyan ng tubig na nagdudulot ng pagbaha at lalo na ang pag-iwas sa polusyon.

Aniya, sa tuwing naaapektuhan ang biodiversity system, nakakaapekto ito sa mga pangangalaga ng tao katulad ng pagkain at malinis na tubig.

--Ads--

Kaya ang pagsali sa kanilang mga aktibidad sa pangangalaga ng kalikasan, tulad ng tree planting at coastal clean ups, ay hakbang sa pagtulong para maprotektahan ang mga natural na proteksyon mula sa mga kalamidad at sakit.

Maliban pa riyan, isang malaking tulong din ang paggamit ng mga biodegradable materials kaysa sa mga plastic.

Samantala, alinsunod sa Proclamation no.237, kinikilala ang buwan ng Hunyo bilang Environment Month.

Layunin nito na mapalawak ang kaalaman at kamalayan ng mga Pilipino sa pangangalaga ng kapaligiran at kalikasan.