Itinalaga ang buwan ng Pebrero bilang Arts month upang ipagdiwang ang artistic excellence ng mga Pilipino, bukod sa pagselebra ng buwan ng mga puso.

Ito ang paliwanag ni Arvin Manuel Villalon, ang Commissioner ng Subcommission on the Arts.

Ang Arts month ay alinsunod sa Presidential Proclamation noong 1991 sa pamumuno ni dating pangulong Corazon Aquino.

--Ads--

May iba’t iba rin aniyang mga kategorya ng sining gaya na lamang ng literary arts na tumutukoy sa pagtutula at pagsusulat, Sining musika o ang pag-awit, pagtugtog at pagsasayaw, Dramatic arts na patungkol sa teatro, Visual arts, Arkitektura at Sining sa Sinema.

Mayroon ding iba pang sining na minana mula sa ating mga ninuno na kung tawagin ay indigenous art forms, na siyang kinikilala sa Arts month.

Dagdag ni Villalon, sa bawat siglo naman ay kasabay nito ang pagkakaroon ng mga makabagong teknolohiya at sa panahon ngayon, nakatutulong ang social media upang mas makaabot pa ng mas maraming bilang ng mga tao.

Ang tanging iingatan lamang aniya dito ay ang content o ang laman ng sining.

Paalala lamang nito na sa dami ng mga impluwensya ngayon, baka aniya makalimutan ang tunay na may kinalaman sa pagiging Pilipino kaya’t huwag aniyang kalilimutan ang kulturang Pilipino na ilakip sa mga sining na ito.

Samantala, kung mayroon man aniyang sining sa Pilipinas na hindi kumukupas, ito ay ang mga sining na may kinalaman sa pagdiriwang gaya ng mga fiyesta.