Dagupan City – Ipinaliwanag ng Population and Development Region 1 ang kahalagahan ng Family Planning.

Sa naging mensahe ni Vilma Olpindo ng Commission on Population and Development (PopCom) Region 1, isang magandang hakbang aniya ito para sa mga mag-asawa ang pagpaplano ng pamilya.

Aniya, ito ay nagbibigay ng tamang timing para magkaanak at sapat na spacing kung kailan susundan ang anak, na siyang makatutulong din sa mas maayos na pagpapalaki ng mga bata.

--Ads--

Dagdag pa ni Olpindo, mahalagang isaalang-alang ang kapasidad ng bawat pamilya — kabilang na ang mentalidad, antas ng edukasyon, at ang kahandaan bago magdagdag ng panibagong miyembro sa pamilya.

Ipinaliwanag rin niya na may dalawang uri ng family planning: ang natural family planning at ang artificial family planning methods. Ang mga ito ay parehong scientifically proven at ligtas gamitin.

Ang natural family planning ay nangangahulugang pag-monitor sa natural na cycle ng babae upang maiwasan o planuhin ang pagbubuntis, samantalang ang artificial family planning ay gumagamit ng mga modernong paraan gaya ng contraceptives, IUD, pills, at iba pa upang makontrol ang pagbubuntis.

Bagamat tumataas ang bilang ng populasyon sa absolute numbers, bumababa naman ang population growth rate sa Region 1.

Nilinaw ni Olpindo na bagama’t ito ay nagpapakitang bumabagal ang paglago ng populasyon, ito ay manageable pa rin sa kasalukuyan.