DAGUPAN CITY- Isa sa pinaka-importanteng aspeto sa buhay o personalidad ng isang tao ay ang pagkakaroon ng love life.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Nhorly Domenden, Director ng Wundt Psychological Institute, ang estado ng isang relasyon ay maaaring ikasira ng isang tao o magpabuti ng buhay nito.
Aniya, mapapansin sa mga taong ‘inlove’ na may masaya itong pamumuhay, subalit, kawalan naman ng motibasyon at madalas makitaan ng stress ang hindi inloved.
Gayunpaman, may ilang mga tao rin na maituturing na ‘noncholant’ o ang tipo ng mga tao na kayang itago ang tunay nilang nararamdaman.
Ipinapakita ng isang tao ang kanilang pagmamahal batay sa kanilang love language.
Gayunpaman, may ilang mga tao na inaadjust ito depende sa kanilang karelasyon at bumabalik ito sa tunay nilang pamamaraan habang tumatagal ang kanilang relasyon kung saan nagiging komportable sila.
Subalit, may mga pagkakataon naman na hindi naaabot ng isang tao ang inaasahan ng kanilang karelasyon kaya nauuwi sa hindi pagkakaunawaan, panlalamig, at pagkakaroon ng third parties o kabit kung saan nasasaktan na nila ang bawat isa, mapaemosyon man o pisikal.
Dito na aniya pumapasok ang pag-move on ng isang tao sa nasirang relasyon.
Ayon kay Dr. Domenden, nakadepende sa pamamaraan ng isang tao kung gaano kabilis ang proseso ng pagmove on nito kung saan hindi mahalaga ang ‘3-months rule’ upang masabing nakahilom na ito.
Aniya, mapababae man o lalaki ay nakakaranas ng pighati sa relasyon at isa lamang ‘cultural expectation’ na mas mabilis makamove on ang mga kalalakihan.
May pagkakataon din na pumapasok sa rebound relationship ang isang tao upang maka-move.
Ito ay ang pagpasok sa isang relasyon upang maghilom mula sa masakit na relasyon.
Masasabi lamang na naka-move ang isang tao kung nakabalik na ito sa normal na estado ang kaniyang emosyon.
Samantala, nagpaalala naman si Dr. Domenden na hindi lamang sa lovers ang Valentines Day dahil para sa lahat ng mga puso ito.
Kung wala man kapareha, pagmamahal din ang self-love.