DAGUPAN CITY- Pagpapaalala umano sa matagal nang naipon na galit ng sambayanang Pilipino mula sa lumalalang kurapsyon sa bansa ang ugat ng nangyaring kaguluhan sa isinagawang kilos protesta sa Mendiola at Ayala Bridge, sa Maynila noong September 21.
Ayon kay Rayomond De Vera Palatino, Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, pinangunahan ito ng mga kabataan na nabiktima ng ‘injustices’ mula sa bulok na sistema na siyang nagsisilbing salamin din sa galit ng ordinaryong mamamayan.
Aniya, magsilbi rin sana itong paalala sa mga kapulisan sa pagpapatupad ng ‘maximum tolerance’ sa tuwing may kilos protesta at patas na pag-aresto.
Maging ang kanilang miyembro na tumutulong sa pag-awat ay inaresto din ng mga kapulisan.
Ikinagulat at ikinatuwa naman ni Palatino ang hindi inaasahang pagdagsa ng mga tumindig sa “Trillion Peso March”, sa Luneta Park, sa Maynila upang labanan ang lumalalang kurapsyon.
Naniniwala si Palatino na hindi sapat ang isang araw na pagpoprotesta ng taumbayan at dapat itong magpatuloy para ipanawagan ang pananagutan.
Aniya, ang protestang ito ay ang paniningil sa ugat ng kurapsyon sa taon na ito at ito ay ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2025 National Expenditure Program (NEP) kahit marami itong kwestyonableng insertions.
Gayundin sa pagsilip sa kung paano ginasta ang National Budget at pagsilip din sa SALN ng mga politiko.
Giit niya na dapat nang magising ang gobyerno na tuluyan nang matuldukan ang katiwalian at makulong at mapanagot ang mapapatunayang nagkasala.
Samantala, ang hamon ngayon para sa kanila kung paano magpapatuloy ang kanilang kampanya at mapalakas ang kilusan laban sa kurapsyon.