DAGUPAN CITY- Mahalagang maging mapanuri sa mga kaganapan na kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) dahil sa paglabag nito sa karapatang pantao ng mga biktima sa “war on drugs” noong siya pa ang nanunungkulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Arman Hernando, isang human rights lawyer, magkakaiba man ang paniniwalang politika ng bawat mamamayan subalit mahalaga pa rin na totoo at tapat ang impormasyon na nakukuha hinggil sa usapin na ito.
Aniya, bago ang pambabatikos ay importanteng malaman na pumasok ang ICC sa bansa upang mapanagot na ang dating pangulo sa kasong “crimes against humanity” na matagal nang hinahangad ng mga pamilya ng mga nabiktima dahil sa napakabagal na justice system sa bansa.
Ang imbestigasyon ng ICC sa naturang kaso ay layuning mapanagot ang naging ulo sa kautusang malawakang pagpaslang.
At nang mangyari ito ay nagkataon na miyembro pa ang bansa sa ICC kaya may hurisdiksyon pa ang mga ito na mag-imbestiga. Sa kadahilanang ito, pasok pa rin sa obligasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipagtulungan.
Bagaman hindi eksakto ang bilang ng mga datos hinggil sa mga napaslang, batay sa Rome Statute hinggil sa naturang kaso, pagbabasehan ng ICC sa mga ebidensya ay ang mga naging polisiya, pattern ng mga pagpaslang, at kung mayroon bang kautusan si dating pangulo para pahintulutan ang mga kapulisan na pumaslang.
Sinabi pa ni Atty. Hernando, pagkakataon din ito para sa kampo ng Duterte na sagutin ang mga akusasyon at dumepensa.
Dagdag pa niya, pasok sa batas ng ICC ang karapatan ni Duterte upang pormal na maghain ng kaniyang interim release. Gayunpaman, dadaan pa ito sa pagsusuri dahil titignan pa kung makikipag-cooperate pa rin ang kanilang kampo kung sakaling makuha nila ito.