DAGUPAN CITY- Kailangang pagtuunan ang pagpapalakas ng produksyon ng mga lokal na pagkain lalo na sa nangyayaring krisis sa bigas sa ating bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Danilo Ramos, Chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), binigyang-diin niya na hindi sapat ang programang Kadiwa bilang solusyon sa krisis sa bigas sa bansa.
Aniya, tila “band-aid solution” lamang ito na hindi kayang tugunan ang ugat ng problema sa agrikultura.
Mahalagang ituon ng pamahalaan ang pansin sa komprehensibong pagpapalakas ng lokal na produksyon ng bigas.
Hindi umano nakakatulong ang pagbebenta ng P20 kada kilong bigas sa mga Kadiwa center kung hindi naman nareresolba ang tunay na suliranin sa sektor ng agrikultura.
Nanawagan si Ramos ng mas malaking suporta at subsidiya para sa mga magsasaka upang mapalakas ang lokal na produksyon.
Aniya, ang abot-kayang bigas ay dapat mabili sa mga palengke at talipapa, hindi lamang sa mga Kadiwa outlet.
Dagdag pa niya, dapat tularan ng pamahalaan ang mga bansang matagumpay sa pamamahala ng kanilang sektor ng agrikultura.
Panawagan niya na dapat tutukan ang agrikultura dahil ito ay laban ng bawat Pilipino.