DAGUPAN CITY- Umabot na sa 4,200 HIV (Human immunodeficiency virus) cases ang naitala ng Deparment of Health Region 1 sa rehiyon, batay sa kanilang kabuoang datos simula 1984 hanggang April 2025.

Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Region 1, sa kasalukuyang taon, nakapagtala naman ng 223 na mga kaso sa rehiyon.

Aniya, pinakamarami sa mga kabuoang naitalang kaso ay nasa edad 25-34 taon gulang at ito rin ang grupong may pinakamarami sa naidagdag na mga kaso.

--Ads--

Ang pinakamaraming ‘mode of transmission’ naman ay ang pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa nito lalaki, subalit, may mga kaso pa rin mula sa pagtatalik ng lalaki’t babae.

Habang may mga kaso rin na nahawa ang isang anak mula sa kanilang ina.

Ito ay bagay na, aniya, lifetime nang dadalhin ng nahawaang bata.

Bagaman tumataas ang mga kaso subalit hindi pa ito kinukonsiderang nakababahala.

Gayunpaman, kinakailangan pa rin maagapan ito upang hindi na lumobo pa ang mga kaso.

Samantala, ayon kay Dr. Bobis, naipapasa ang HIV sa pamamagitan ng unprotected sex, paggamit ng gamit nang hiringgilya (syringe), mother-to-child tansmission, at organ and blood transfusion; ito ay ‘rare’ na pangyayari dahil sa mahigpit na screening.

Kaniya rin ipinaliwanag na kabilang sa mga sintomas sa pagkakaroon ng HIV ay ang lagnat, ubo’t sipon, at pananakit ng katawan.

Habang pumapasok na ang mga impeksyon kapag lumala na ito kung saan nagkakaroon na ng tuberculosis, paulit-ulit na pulmonya, kanser, at iba pa.

Pinabulaanan naman niya na maipapasa ito sa simpleng physical contact lamang.

Gayundin sa sakit lamang umano ito ng mga miyembro ng LGBT community dahil aniya, lahat ay maaaring mahawaan.

Sa kasalukuyan, wala pang gamot na tuluyang makakapatay sa virus ng HIV at mayroon lamang na anti-retroviral therapy na kung saan pinapababa lamang nito ang viral load sa loob ng katawan.

Kaya kaniyang paalala na panatiliing protektado ang pakikipagtalik at kung hinihinalaang mayroon ang sarili, magpasuri na sa doktor.

Tiniyak naman niya na hindi dapat ikatakot ang pagpapasuri dahil magiging confidential ang kanilang privacy.