Sa nalalapit na paggunita ng bansa sa National Heroes Day, muling inalala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang malalim na kahulugan ng kabayanihan isang konseptong hindi lamang para sa mga nagbuwis ng buhay kundi para sa bawat Pilipinong nagsisilbi para sa ikabubuti ng bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eufemio Agbayani III, isang Historical Sites Researcher ng NHCP, ang tunay na bayani ay hindi lamang yaong nasaktan o namatay para sa bayan.
Kundi kung sino ang nag-alay ng buhay, talino, at serbisyo para sa kapwa.
Dagdag pa niya, mahalagang balikan at bigyang-pansin ang kabayanihan ng mga nauna sa atin dahil ang kanilang legasiya ay gabay para sa mga hamon ng kasalukuyan.
Ngunit ang diwa ng kabayanihan ay hindi nakalimit sa nakaraan at maituturing din na ito ay para sa ating lahat.
Bagamat may mga pamantayan sa pagkilalang opisyal ng mga bayani, nilinaw ni Agbayani na wala pang tiyak na listahan ng mga National Heroes.
Samantala, ang 28 NHCP museums naman sa buong bansa ay may koneksyon sa ating mga bayani, na nagsisilbing buhay na alaala ng ating kasaysayan.
Ang pagdiriwang ng National Heroes Day ay may dalawang pangunahing layunin.
Una ay para kilalanin ang sarili noon at ngayon sa pagtanaw sa kasaysayan upang mas nauunawaan natin kung saan tayo nagmula bilang isang bayan.
Pangalawa ay upang tanungin ang sarili: Paano ako magiging bayani ngayon?
Dahil ang kabayanihan ay hindi nalilimitahan sa digmaan; ito ay makikita sa araw-araw na pagtulong, paninindigan, at pagmamalasakit sa kapwa.