DAGUPAN CITY- Hindi pa rin sapat ang 2026 National Budget upang matugunan ang lumalalang problema sa bansa, ayon sa Kabataan Partylist.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Renee Co, Representative ng Kabataan Partylist, hindi na nalalayo sa mga nagdaang National Expenditure Program ang 2026 National Budget Proposal.
Aniya, hindi pa rin nawawala ang tumataas na utang ng bansa at pagbayad sa lumulobong interes nito, gayundin sa, hindi sapat na pondo para maresolba ang education, health, at agriculture crisis.
Giit pa niya, kaugnay din sa Ghost Flood Control Projects, na patuloy umiiral ang kurapsyon sa bawat proyekto ng gobyerno.
Kung saan ay isa pa rin na uri ng ‘pork barrel system’ dahil sa pinaghahatian lamang ng mga opisyal ang budget na inilalaan para sa proyekto.
Labis na sinasang-ayunan ni Rep. Co sa ‘transparency’ ng budget at maging bukas ang Bicameral conference committee upang mabantayan ang magiging paggasta sa kaban ng bayan.
Kabilang sa pagiging transparent sa proseso ay ang pagdinig ng gobyerno sa mga matagal nang hinain ng mga ordinaryong mamamayan, kabilang na ang dagdag-sahod.
Dapat rin maimbestigahan ang mga katiwalian at mapanagot ang dapat managot.
Ani Co, mapagtagumpayan ito kung magpapakita ang bawat mamamayan Pilipino ng kanilang galit laban sa mga hindi tuwid na pamamahala.
Hiling pa ni Co na makapasok pa sa komite ang Kabataan Partylist upang ilaban ang tamang paggamit ng budget at hindi ito dumeretso sa kurapsyon.
At kaniyang tiniyak na mas magiging aktibo pa ang kanilang partido upang bantayan ang mga pagdinig.