DAGUPAN CITY- Patuloy ang pagsusulong ng LGBTQIA+ community para sa pagsasabatas ng Sexual Orientation and Gender Identity Expression Equality Bill (SOGIE Bill), isang panukalang batas na naglalayong wakasan ang diskriminasyon laban sa kanila.
Ang mahabang kasaysayan ng panukalang ito ay nagsimula pa noong 2000 sa panulat ni Senadora Miriam Defensor Santiago at ng isang partylist group, at muling isinulong noong August 11, 2016 ni Senadora Risa Hontiveros sa Senado.
Bagamat naaprubahan na sa komite level kapwa sa Senado noong 2022 na may 19 na senador na bumotong pabor at sa House of Representatives noong Mayo 2023 ngunit patuloy pa rin ang mga debate at pagtutol ukol dito.
Sa kabila ng mga pagsubok na ito, kapansin-pansin ang pag-unlad ng mga programa para sa LGBTQIA+ community sa Dagupan City, na nagpapakita ng pagkilala at pagsuporta sa kanilang mga ambag sa lipunan.
Ito ay nagbibigay ng pag-asa sa gitna ng patuloy na paglalaban para sa pambansang pagsasabatas ng SOGIE Bill.
Ayon kay Senadora Hontiveros, ang patuloy na pag-asa ng mga tagasuporta ng panukala ang nagbibigay ng lakas sa mga senador at partylist representatives na ipagpatuloy ang pagsusulong nito.
Matagal na panahon na aniya ang paglalaban para sa SOGIE Bill, at hangga’t hindi ito nagiging batas, mananatili ang kanilang determinasyon.
Layunin ng SOGIE Bill na magbigay ng proteksyon laban sa diskriminasyon sa trabaho, edukasyon, at iba pang aspeto ng buhay sama mga nasa LGBTQIA+ community.
Ngunit, kinakailangan pa rin ang patuloy na diyalogo at edukasyon upang maunawaan ng lahat ang kahalagahan ng panukalang batas.