Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang pagkadismaya sa kasalukuyang kalagayan ng K-12 program ng Department of Education (DepEd), na aniya’y hindi nakatutugon sa inaasahang layunin nitong mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Ayon kay Arlene James Pagaduan President, Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) marahil marami pang kailangang paghahanda bago ipinatupad ang programa, at nakikita na ngayon ang mga negatibong epekto nito sa kabuuang sistema ng edukasyon.

Aniya na hindi naging malinaw ang direksyon ng programa, at sa halip na mapabuti ang kalidad ng edukasyon, tila lalo pa itong lumala.

--Ads--

Isa sa mga pangunahing isyung binigyang-diin nito ay ang lumalalang mismatch sa pagitan ng mga nagtapos sa K-12 at ng mga trabahong available sa merkado.

Hindi rin naging epektibo, aniya, ang dagdag na dalawang taon sa Senior High School (SHS) sa pagbibigay ng sapat na kaalaman o kasanayan para makahanap ng trabaho ang mga estudyante pagkatapos ng graduation.

Bukod dito, ang dagdag na taon sa pag-aaral bilang isang hadlang para sa mga kabataan dahil imbes na makapagtapos ng kolehiyo sa edad na 20, umaabot na umano sa 22 o 23 ang edad ng mga estudyanteng gumagraduate na may dagdag pang gastos para sa pamilya.

Kaya’t aniya kung malinaw na may mga dahilan kung bakit bumababa ang kalidad ng edukasyon sa bansa, dapat ay iwasan na ang mga eksperimento na katulad ng K-12.