Nakitaan ng House Committee on Justice na sufficient in substance ang dalawang verified impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte upang umusad ang proseso ng impeachment sa Kamara.
Sa botong 54 pabor, isa ang tutol at walang abstention para sa ikatlo at ikaapat na reklamo.
Ang ikatlong reklamo, na inihain ng mga pari, madre at abogado at inendorso ni ML Partylist Rep. Leila De Lima ay may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng P612 milyong confidential funds at iba pang isyu noong kalihim pa siya ng Education Department.
Samantala, ang ikaapat na reklamo na inihain ng abogado na si Nathaniel Cabrera ay tumutukoy sa umano’y hindi pagdedeklara ng ilang ari-arian at “unexplained wealth.”
Matapos ang botohan, naghain ng mosyon si San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora na padalhan ng abiso ang Bise Presidente upang magsumite ng sagot sa loob ng 10 araw na hindi maaaring palawigin, alinsunod sa patakaran ng Kamara.
Binigyang-diin ng mga mambabatas na ang desisyon ay hindi paghatol ng pagkakasala kundi hakbang lamang upang ituloy ang proseso.
Kapag nakapagsumite ng sagot ang Bise Presidente, tutukuyin ng komite kung may probable cause upang ihain ang Articles of Impeachment sa plenaryo.










