Bukas ang Pilipinas sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang bansa para sa oil at gas exploration at hindi lamang nakatuon sa isang bansa gaya ng China. 

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, kamakailan lamang ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang walong bagong service contracts para sa eksplorasyon ng langis, natural gas, at hydrogen kasunod ng pagpapalawig sa operasyon ng Malampaya.

Ipinaliwanag ng kalihim na bagaman may mga pribadong kumpanyang may mga partner na dayuhan mula sa Australia, United Kingdom, Israel, at Estados Unidos ay wala pang konkretong kontrata para sa joint exploration sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at China. 

--Ads--

Binigyang-diin ni Garin, batay sa huling pakikipag-ugnayan niya sa Embahada ng China ay nakatuon lamang ang pag-uusap sa pagtiyak na tuloy-tuloy ang dating ng mga order na diesel at petrolyo ng mga lokal na kumpanya at hindi tungkol sa eksplorasyon.

Sinabi ni Garin na bagaman may kakayahan ang mga Pilipino na mamuno sa mga drilling activities gaya ng sa Malampaya ay kailangan pa rin ang pakikipagtulungan sa mga dayuhang eksperto para sa mga makabagong teknolohiya. 

Halimbawa nito ang eksplorasyon ng natural hydrogen sa Zambales, Palawan, at Nueva Ecija kung saan isang kumpanya mula sa Amerika ang katuwang ng bansa dahil sa kanilang expertise.

Tiniyak din ng opisyal na magiging malinaw at dadaan sa tamang proseso ang anumang proposal para sa mga joint exploration projects sa hinaharap.