Dagupan City – Isinagawa noong Agosto 13 sa Servillano Dela Cruz Auditorium sa Lingayen, Pangasinan ang dalawang programang nakatuon sa pagbibigay ng oportunidad sa trabaho at pagsusulong ng youth entrepreneurship bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Kabataan 2026.

Pinangunahan ng Public Employment Service Office (PESO) ang Job Fair na naglalayong mabigyan ng employment opportunities ang mga aplikanteng Lingayenense. Isinagawa ang job fair mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, kung saan hinikayat ang mga job seeker na magdala ng updated resume bilang bahagi ng kanilang aplikasyon.

Kasabay nito ang LAKO: Youth Entrepreneurship, isang inisyatibo ng Local Youth Development Office (LYDO) at Sangguniang Kabataan (SK) na nagbibigay ng espasyo para sa mga kabataang negosyante upang maipakita at maibenta ang kanilang mga lokal na produkto, pagkain at iba pang serbisyo.

--Ads--

Layunin ng dalawang programa na mapalawak ang oportunidad para sa kabataan, kapwa sa paghahanap ng trabaho at pagbuo ng sariling negosyo.

Hinikayat din ang publiko na tangkilikin ang mga produktong likha ng mga kabataang negosyante bilang suporta sa kanilang mga inisyatiba at kabuhayan.