DAGUPAN CITY- Dumagsa ang mga employer, ahensya, at job seekers sa matagumpay na Job Fair 2025 ng Public Employment Service Office (PESO) Mapandan, kung saan nasa 30 aplikante na karamihan mula edad 25 hanggang 35 ang nakibahagi sa aktibidad.

Ayon kay Sheila Marie Penuliar, Senior Labor and Employment Officer ng PESO Mapandan, ilan sa mga aplikante ay nakapagtala ng agarang trabaho matapos ang masusing pagpili sa mga kompanyang may kanya-kanyang kwalipikasyon.

Limang job seekers ang agad na na-hire on the spot, habang ang iba ay nagkaroon ng pagkakataong makilala ang mga posibleng employer.

--Ads--

Sa kabila ng pangamba ng ilan sa layo ng lugar ng trabaho, hinikayat pa rin sila ng mga kawani ng PESO na subukan ang oportunidad.

Pinag-ukulan din ng pansin ng mga aplikante ang bawat kompanya upang matukoy kung saan sila higit na angkop.

Ayon sa PESO, ilang kababayan na ang nakinabang sa mga nakaraang job fairs, kabilang na ang isang matagumpay na makakapagtrabaho sa ibang bansa.

Samantala, buong suporta naman ang ibinigay ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Karl Christian Vega, katuwang ang Budget Office, DOLE, at iba pang ahensya.

Ayon sa alkalde, tumugma ang job fair sa kanyang kaarawan, kung saan kasabay nito ang ika-20 anibersaryo ng kanyang taunang pamamahagi ng tulong sa mga mamamayan.

Layon ng pamahalaang bayan na mas palawakin pa ang mga programang pangkabuhayan at oportunidad sa trabaho para sa mga residente, lalo na sa mga walang hanapbuhay.