BOMBO DAGUPAN – Nagtapos si Joanie Delgaco sa ikalima sa Semifinal C/D sa kanyang penultimate regatta ng 2024 Paris Olympics women’s single sculls na ginanap sa Vaires-sur-Marne Nautical Stadium.

Ang kauna-unahang Filipina Olympic rower ay nagtala ng walong minuto, 0.18 segundo upang makapasok sa Final D, kung saan nakataya ang mga puwesto mula 19 hanggang 24 na puwesto sa event.

Ang taga-Iriga City ay mas mabagal kaysa sa kanyang mga nakaraang oras kung saan siya ay nagtala ng 7:55.00 sa repechage, ang kanyang pinakamabilis na output sa Olympic Games na ito. Nagtala rin siya ng 7:56.26 sa kanyang unang karera, at 7:58:30 sa quarterfinals.

--Ads--

Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Delgaco na bigo man siya na makapasok sa quarterfinals ay wala siyang pinagsisihan sa kanyang naabot.

Masaya siya na nakita ang mga malalakas na rower at marami siyang natutunan na maaaring maibahagi sa mga ka team mates.
Ang makapasok sa Olympics ay hinahangad aniya ng lahat ng aleta.

Nabatid na dati siyang volleyball player at nagsanay din siya sa rowing hanggang sa nagustuhan naman niya ito.

Tatangkain ng Filipino Rower na tapusin ang kanyang race sa darating na August 2.

Samantala, ayon naman kay Edgardo Macabitas Oly, Coach ng Philippine Rowing Team nakita niya kung gaano ang pagsisikap ni Delgaco ngunit talagang malakas ang mga kalaban niya sa rowing.

Kaugnay nito ay labis naman siyang na natutuwa dahil ipinakita ni Delgaco ang kanyang best upang makausad at nakapasok naman siya sa ika 5.

Dagdag pa niya na mula sa training ay determinado na umano siyang manalo.