Kahanga hanga ang ipinakitang galing at liksi ng Japanese boxer na si Naoya “The Monster” Inoue ngunit isa sa mga natatanggap nitong suhestyon ay subukan nitong lumabas ng Japan at subukan namang makipagkumpetensya sa American boxers upang makita kung hanggang saan ang galing nito.
Ayon kay Mortz Ortigoza, isang boxing analyst, inihalintulad niya ang naging boxing performance ni Inoue kay Manny “Pacman” Pacquiao kung saan pareho aniya ang mga itong marunong depensahan ang kanilang mga sarili at may malakas na foot work.
Higit sa lahat, pareho aniya silang may taglay na power punch na siyang higit na maituturing bilang game changer sa larangan ng boxing.
Kaugnay nito, mayroong komentong inilabas si American promoter at former professional boxer na si Floyd Mayweather Jr. na subukang ilaban sa America si Inoue ngunit ipadaan aniya sa drug test at urine test dahil marahil ay mayroon umanong inilalagay na dope ang Japan, dahilan kung bakit hindi pa kailanman natalo si Inoue sa kaniyang mga naging laban.
Dagdag pa rito na hindi naman ganoon kakilala ang mga nakalaban at natalo nito sa mga nakaraang kumpetisyon kung ikukumpara sa mga American boxers.
Puro mga Pilipino rin at Briton pa lamang ang nakakatunggali ni Inoue at hindi pa ito lumalabas ng kanilang bansa.
Bagamat may kaliitan ang katawan ng naturang boxer, ayon kay Ortigoza, nakukuha ang lakas mula sa muscle sa legs, likod, at pagkokondisyon ng katawan sa pamamagitan ng masinsinang pagsasanay.
Samantala, komento naman ni Ortigoza sa ipinakitang performance ng pambato ng Pilipinas na si Marlon “The Nightmare” Tapales, hindi aniya kalebel si Inoue dahil siya ay underdog lamang.
Bukod dito, bagamat naroroon ang lapad ng kisig ng kaniyang katawan, malamya aniya ang pagsuntok nito at kahit pa ginagamit nito ang kaniyang turtle defense, tila wala umanong respeto si Inoue at sinusuntok pa rin ang gloves ni Tapales.
Nalampasan man ni Tapales ang prediksyon ng ilang mga sports analyst na hanggang 4th round lamang ang itatagal nito, badly beaten naman siya kahit pa umabot ng hanggang sampung round bago ang kaniyang knockout.