DAGUPAN, CITY— Mas hinihigpitan pa ng bansang Japan ang pagpapatupad ng mga border restrictions kaugnay sa pagkakatala ng Omricon variant ng COVID-19 sa South Africa at ilan pang kalapit na bansa nito.
Ayon kay Bombo International Correspondent Myles Briones Beltran mula sa Japan, batay sa anunsyo ni Chief Cabinet Secretary Hirokazu Matsuno, magkakaroon ng pag-iiwas muna ng kanilang bansa na tumanggap ng mga turista na manggagaling mula sa mga bansa na nakapagtala ng nasabing variant.
Sa mga turista naman na pupunta sa kanilang bansa, kinakailangan pa rin nilang sumailalim sa 10 araw na quarantine at ito ay una nang ipinatupad noong Sabado.
Batay umano sa mga eksperto roon, higit na mas nakakahawa ngayon ang bagong talang variant kaya naman ginagawa ngayon ng nabanggit na bansa ang lahat ng panuntunan upang hindi maka-infect sa kanilang mga mamamayan.
Sa ngayon ay wala pang naitatalang kaso ng Omricon variant sa Japan ngunit patuloy ang kampanya sa kanilang vaccination program at ayon sa kanilang Prime Minister na si Fumio Kishida kanila nang isinasagawa ang booster shots sa mga mamamayan nilang una nang naturukan ng bakuna kontra COVID-19.