“Magbase sa mga facts at iwasan na manisi.” Ito ang panawagan ni Jhay de Jesus, tagapagsalita ng True Colors Coalition kaugnay sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni de Jesus na hanapin ang totoong nangyari o kabuan ng nangyari dahil mistulang lumalabas na kasalanan ng biktima ang masamang nangyari sa kanya.

Marami na aniyang nasabi sa mga kasama niya habang kasalukuyan pa ang imbestigasyon.

--Ads--

Pinuna din ni de Jesus ang PNP dahil iba iba ang sinasabi na nadadawit pa ang LGBT at hindi nakabase sa imbestigasyon ang inilalabas na report kaya nawawalan tuloy ng integridad at kredibilidad ang kanilang sinasabi.

Giit din niya na malaki ang accountability ng PNP sa pangyayari dahil maling mali ang paghawak nila sa kaso.

Sa kanila rin umano nanggagaling ang sinasabi ng mga tao kay Dacera.

Dagdag pa niya na may mga opisyal rin sa bansa ang sumasakay sa isyu para sa kanilang sariling interes at ginagamit ang situwsyon upang mamulitika, maglinis ng pangalan at magpapogi.

Nangangahulugan kung gaano kagulo ang sistemang pang hustisya sa ating bansa.

Nanawagan ito na huwag husgahan ang lahat hanggang sa lumabas na ang totoo dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Jhay de Jesus, spokesperson – True Colors Coalition