DAGUPAN CITY- Maaga nang inumpisahan ang pagpupulong at inspeksyon sa nakatalagang firecracker zone sa bayan ng Lingayen.

Ayon kay PLt. Col. Amor Mio Somine, Chief of Police ng Lingayen PNP, kanilang tinututukan ang pagpapalaganap ng mga impormasyon patungkol sa mga ipinagbabawal na ibenta at gamiting mga paputok.

Ito ay sa inisyatiba ng kapulisan sa Lingayen PNP katuwang ang lokal na pamahalaan at ng Rural Health Unit.

--Ads--

Habang inilatag naman ng Regional Health Unit ang kanilang programang “Iwas Paputok” na siya ring sumusuporta sa RA 7183 o mas kilala bilang “An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices,” na siya ring regulasyon hinggil sa paggamit, paggawa, at pagbebenta ng mga paputok at pyrotechnic devices.

Ito ay may layuning protektahan ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mga aksidente o insidente na dulot ng maling paggamit ng mga paputok, pati na rin ang polusyon at iba pang mga panganib na kaugnay nito.

Aniya na buo naman itong sinusuportahan ng Lingayen PNP at bilang parte nila ay kanilang ibinahagi rin ang ilang mga safety tips.

Dagdag pa niya na hindi lamang ito tungkol sa mga insidente na may kinalaman sa mga paputok, ganun na rin ang pagtaas ng kaso ng mga krimen na posibleng mangyari lalo na tuwing holiday season.

Kabilang na rito ang crime against properties at ilang mga lumilitaw na mga modus kagaya na lamang ng pangbubudol, pananalisi, at iba pang mga modus operandi.