DAGUPAN, CITY— Nagtungo sa bahay ni CEZA Sec. Raul Lambino ang nagpanggap na kasambahay na biktima ng rape at pang-aabuso upang humingi ng kapatawaran at ibunyag ang detalye sa umano’y kasinungalingan laban sa kanilang pamilya.
Ayon kay Lambino, nagulat umano siya sa paglutang ng naturang testigo na si Russel Abracia Posadas nang aminin nito na binayaran umano siya ng 15,000 pesos ng manunulat na si Jaime Aquino upang tumestigo sa ginawang kaso laban sa kanya at sa asawa nitong si incumbent Mangaldan Mayor Marilyn Lambino.
Aniya, base sa isinalaysay sa kanya ni Posadas, binasa umano nito ang ginawang affidavit na ginawa noong Agosto 2021 sa isinagawang press conference noong Enero 6 sa Tarlac kapalit ng nabanggit na halaga ng pera.
Napilitan umano niya ito gawin dahil sa pangangailangan nito para sa kanyang sakit ngunit paglipas ng ilang buwan ay nakunsensya ito lalo at alam umano nito na mali ang kanyang ginawa kaya pinili niya na magtungo doon at humingi ng kapatawaran sa pamilya Lambino.
Ginamit lamang umano siya ni Aquino, kanyang live-in partner na si manilyn mendoza at nang kanilang mga kasabwat na mga poltiko na may utak sa ginawang paninirang kaso laban sa kanila.
Base sa pag-aanalisa ni Lambino, napagsamantalahan lamang ang sakit at kahirapan ni Posadas para gawin ang pakikipagsabwatan sa mga nasa likod ng naturang akusasyon kaya titiyakin niya na mapapanagot ang mga ito.
Sinabi niya na may matibay at sapat na silang naunang ebidensya upang mapanagot ang mga may kaugnayan sa paninira sa kanilang pangalan.