Dagupan City – Nananawagan ang mga residente at lokal na opisyal ng agarang aksyon kaugnay sa tulay na nagsisilbing hangganan ng Barangay Asin at Lunec sa Malasiqui, Barangay Minien East sa Sta. Barbara, at Barangay Catablan sa Urdaneta City, na matagal nang itinuturing na mapanganib at kilala ng ilan bilang ‘killer bridge’ dahil sa dami ng naitalang aksidente at nasawi rito.
Ayon kay Barangay Captain Alexander Peralta ng Barangay Lunec, Malasiqui, sinubukan na ng barangay na harangan ang tulay upang maiwasan ang pagdaan ng mga sasakyan, subalit hindi ito epektibo dahil patuloy umanong tinatanggal ng ilang motorista ang mga inilagay na harang, hanggang sa halos tuluyang masira na ang istruktura ng tulay.
Aniya na inihuhulog din nila sa ibaba ng tulay ang mga materyales na ginamit sa pagharang.
Nagpasa na rin umano ng resolusyon ang barangay noong nakaraang taon upang humingi ng tulong, subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang inilalaang pondo para sa rehabilitasyon o pagsasaayos ng tulay.
Sa loob ng tatlong taon, patuloy na nagiging suliranin ang tulay hindi lamang para sa mga residente kundi lalo na sa mga motorista at naglalakad, dahil sa kawalan ng sapat na ilaw at malinaw na babala.
Ayon kay Peralta, marami na umanong aksidente ang naitala, kabilang ang mga insidenteng kinasangkutan ng mga hindi pamilyar sa lugar na hindi agad napapansin ang mga harang na nakalagay.
Giit ng barangay, hindi na nila kayang tugunan ang problema dahil lampas na ito sa kanilang kapasidad, kaya umaasa sila sa tulong ng pamahalaang panlalawigan para sa mas permanenteng solusyon sa halip na pansamantalang remedyo lamang.
Samantala, nananawagan ang mga opisyal sa publiko na mag-ingat, alamin ang kapasidad ng kanilang sasakyan, at hangga’t maaari ay iwasang dumaan sa naturang tulay upang maiwasan ang karagdagang disgrasya, lalo’t marami pa ring apektado sa patuloy na delikadong kalagayan nito.










