Dagupan City – Nasa 80 porsyento na ang natapos sa itinatayong 11-storey Provincial Government Center sa Capitol Complex sa Lingayen, Pangasinan, ayon sa Provincial Engineering Office o PEO.
Ayon kay Engr. Amadeo Veras ng Pangasinan PEO, mabilis ang naging progreso ng proyekto na bahagi ng malawakang redevelopment ng Provincial Capitol Complex.
Target na matapos ang bagong government center sa Disyembre ngayong taon.
Samantala, nasa 70 porsyento na rin ang progreso ng Capitol Estate. Kabilang sa mga planong ilagay rito ang mga estatwa nina dating Gobernador Aguedo Agbayani at Princess Urduja.
Bahagi rin ng redevelopment ang pagtatayo ng linear park, reflecting pool at interactive fountain, gayundin ang road improvements, parking areas, green spaces, at mga pasilidad para sa flood control at drainage.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, isasailalim din sa structural improvements ang mga historical buildings sa Capitol Complex habang pananatilihin ang kanilang makasaysayang karakter.
Magkakaroon naman ang bagong government center ng mga modernong pasilidad, pedestrian-friendly sidewalks, intelligent traffic light system, mas maayos na interconnectivity, at mga open spaces.
Kasabay nito ang pagtatayo ng isang 1,500-seat convention center. May 30 milyong pisong pondo para sa unang phase nito at target ding matapos ngayong taon.
Inaasahang magsisilbi itong venue para sa malalaking convention, events, at iba pang aktibidad na maaaring magpalakas sa turismo, negosyo, at kabuhayan sa Lingayen at mga karatig-lugar.
Home Local News Itinatayong 11-storey provincial government center sa Capitol Complex sa Lingayen, nasa 80...










