DAGUPAN CITY – Hindi na nagulat ang grupo ng Alliance of Concerned Teachers Philippines sa mga akusasyon na kinakaharap ng kagawaran ng edukasyon patungkol umano sa mga komisyon sa mga kongresista kapalit ng pag-apruba ng mga school building projects noong panahon ng dating undersecretary ng kagawaran.

Ayon kay Vladimer Quetua, Chairperson ng nasabing grupo, hindi na bago ang mga isyu na nagsisilabasan sa kabila ng mga pagdinig sa kongreso.

Aniya na noon pa man ay isinisiwalat na nila ang mga ganitong isyu gaya na lamang ang isyu sa tila overpriced na presyo ng laptop, mga mamahaling camera gayundin ang isyu ng libro at nutribun na hindi naman nai-deliver.

--Ads--

Kaugnay nito saad niya na dapat seryosohin ng gobyerno ang ganitong usapin upang sa dulo ay may managot at makulong.

Umaasa naman ito na sana ay dumalo si VP Sara Duterte sa mga pagdinig dahil kailangan talaga ng transparency lalo na at pera ng taumbayan ang winaldas.

Panawagan naman nito na sa usaping korapsyon ay tanawin sana lahat hindi lamang sa deped kundi sa lahat ng ahensiya ng gobyerno kung mayroon bang nangyayaring anumalya.

Hiling din niya na maging mapagbantay sa pondo ng bayan at maging mapagmatiyag na din sa eleksiyon upang makaboto ng tamang lider na mamamahala sa bansa.