Sa patuloy na tensyon sa West Philippine Sea (WPS), hindi lamang usapin ng teritoryo at soberanya ang kinakaharap ng Pilipinas.
Isa ring mahalagang leksyon ang lumilitaw mula sa krisis na ito ang kahalagahan ng malayang pagpapahayag sa gitna ng bantang pananahimik mula sa mga makapangyarihang pwersa.
Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco – Political analyst, ang agresibong kilos ng China ay hindi lang limitado sa teritoryo kundi maging sa pagnanais nitong kontrolin ang naratibo, opinyon, at pahayag ukol sa WPS.
Tinawag pa nga ito ng ilan bilang “authoritarian mindset”, kung saan nais pigilan ang kahit anong kritisismo laban sa kanila.
Sa kabilang dako, tinitingala naman ang mga bansang tulad ng New Zealand na nagbibigay-halaga sa free speech kahit sa gitna ng kontrobersyal na isyu.
Dito makikita ang leksyon na kahit gaano kalakas ang censorship, hindi nito mapipigil ang damdamin at mga nasi ihayag ng mga tao.
Bagama’t sa Pilipinas, lumulutang pa rin ang pangamba ng ilang mamamayan kaugnay sa mga panukala ng ilang mambabatas na i-regulate o i-censor ang social media, lalo na kapag may mga mapanuring pahayag tungkol sa gobyerno o sa WPS issue.
Marami ang tumututol sa mga panukalang ito, na tinatawag na banta sa karapatan ng bawat Pilipino na magsalita.
Subalit ani Yusingco na “Kapag Pilipino, wag matakot.” lalo na kung ang ipinaglalaban ay para sa interes ng bayan, may karapatan ang bawat isa na ipahayag ang kanyang saloobin.
Hinimok rin nito ang mga mambabatas na huwag panghinaan ng loob sa harap ng kritisismo.
Sa halip na supilin ang boses ng taumbayan, dapat umanong itaguyod nila ang kalayaang magsalita, lalo na sa mga isyung kasing bigat ng West Philippine Sea.