Dagupan City – Nilinaw ng Department of Agriculture (DA), katuwang ang Municipal Agriculture Services Division, kaugnay ng mga agam-agam na lumitaw hinggil sa implementasyon ng Yellow Corn Production Enhancement Program (YCPEP) sa bayan ng Malasiqui.
Ang programang ito ay pinondohan ng DA – Regional Field Office I sa ilalim ng Corn Banner Program.
Ipinahayag ang mga patakaran sa isang seremonya, ganun din ang mga alituntuning dapat sundin sa pagpapatupad ng proyekto.
Maaga nang naipabatid sa pamunuan ng MALL Corn Cluster Association na kinabibilangan ng mga barangay ng Malimpec, Aliaga, Lepa, at Lasip ang mga kwalipikasyong kailangang taglayin ng mga magsasakang maaaring mapili bilang benepisyaryo.
Inilahad sa naturang pagtitipon na maaaring tumanggap ng hanggang dalawang sako ng hybrid corn seeds at abono ang bawat kwalipikadong magsasaka.
Subalit, upang mas maraming magsasaka ang makinabang, nagdesisyon ang MALL Corn Cluster Association na limitahan ito sa tig-iisang sako kada benepisyaryo.
Binigyang-diin din ng DA at ng asosasyon na ang mga binhi at abono ay ibinibigay ng libre sa ilalim ng YCPEP.
Kaugnay nito, ipinaliwanag din na ang perang siningil sa ilang magsasaka ay hindi para sa nasabing programa kundi bilang membership fee sa kooperatibang kasalukuyang binubuo para sa mga kasapi nitong magsasaka.
Hinimok naman ang mga benepisyaryo na dumulog sa kani-kanilang barangay agriculture officers para sa iba pang detalye at tulong kaugnay ng programa.