DAGUPAN CITY- ‎Pinangunahan ni Mangaldan Mayor Bona Fe de Vera-Parayno ang isang dayalogo kasama ang mga pangulo ng iba’t ibang Tricycle Operators and Drivers Association o TODA sa bayan upang talakayin at linawin ang ilang isyu at alegasyong iniuugnay sa kanilang mga samahan.

‎Sa dayalogo, iginiit ng mga pangulo ng TODA na walang katotohanan ang paratang na sila umano ang nagpapalayas sa mga ambulant vendor sa palengke.

Ayon sa kanila, pansamantala lamang ang pagpapatabi sa ilang naglalako lalo na tuwing dagsa ang mga mamimili noong mga buwang Nobyembre at Disyembre, upang masiguro ang maayos na daloy ng trapiko.

‎Nilinaw rin ng mga kinatawan ng TODA na hindi umano umaabot sa labinlimang libong piso ang kanilang buwanang kita, taliwas sa mga kumakalat na alegasyon.

Bilang tugon, nagbigay ang alkalde ng pahintulot na madagdagan ng isang araw kada linggo ang duty ng mga tricycle driver upang makatulong sa kanilang kabuhayan.

--Ads--

Kasabay nito, pinaalalahanan ang mga samahan na panatilihin ang kaayusan at ipinagbawal ang anumang uri ng solicitation gamit ang pangalan ng lokal na pamahalaan.

‎Tinalakay rin ang pagsusuot ng reflectorized vest ng mga driver, paglalagay ng entry at exit point tarpaulins, at ang mas mahigpit na inspeksyon ng mga sasakyan para sa kaligtasan ng publiko.

Samantala, inihain din ng mga TODA president ang mungkahing pagtaas ng taripa na daraan pa sa Sangguniang Bayan, na ayon sa alkalde ay maaari lamang isaalang-alang kung hindi maaapektuhan ang mga senior citizen at estudyante.