Dagupan City – Matapos ilabas ang umano’y isyu ng katiwalian kaugnay ng infrastructure budget, malinaw na ang lalagda rito ay ang tatlong pinakamataas na lider ng bansa sa batas na ito — ang pangulo, house speaker, at senate president.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst, malaking katanungan aniya na bakit tila tanging ang senate president lamang ang iniimbestigahan ng Department of Justice (DOJ).
Aniya, dahil dito ay nababawasan ang kumpiyansa ng ilang political analysts sa kredibilidad ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), kahit sino pa umano ang italagang mamuno rito.
Matatandaan na itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating Philippine National Police (PNP) chief, retired General Rodolfo Azurin Jr., bilang bagong Special Adviser and Investigator ng ICI.
Paliwanag ni Yusingco, kung susuriing mabuti ay tila hindi umano layunin ng ICI na maging ganap na independent simula palang, bagkus ay nagsisilbi lamang itong mekanismo upang pagtakpan ang dalawa pang pumirma.
Dito na niya inilahad na ito ay kinabibilangan ng pangulo at house speaker.
Kung susuriin din aniya ang nagdaang pagpirma sa budget ay nilagdaan ito bilang urgent.
Bagay na may malaking epekto sa ilalim ng konstitusyon, dahil ang ganitong hakbang ay nag-aalis sa requirement ng tatlong hiwalay na araw ng deliberasyon, na karaniwang proseso upang masusing mapag-aralan ang pambansang badyet.
Nangangahulugan na mas madaling maipapasa ang batas.