DAGUPAN CITY– Bagamat pormal ng naipadala ang termination notice, hinihikayat parin ng grupong Kilusan para sa Pambansang Demokrasya ang publiko na mahigpit na tutukan ang isyu ng termination ng Visiting Forces Agreement o VFA.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Atty. Virginia Lacsa Suarez, Secretary General ng nabanggit sa sektor, kahit pa natuwa ang kanilang grupo, hindi pa din napapawi ang pangamba lalo pa’t nag demand si President Duterte na sa loob ng isang buwan ay dapat na maibalik ang Visa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kung saan nangangahulugan lamang ito na kung sakaling mapayagan, may posibilidad din na maaaring magbago ang isip ng Pangulo.

Kaya’t ayon kay Suarez, ito ang pagkakataon na dapat ay mas hamunin ng publiko ang ating gobyerno na hindi lamang VFA ang dapat na tapusin at nararapat din aniya na panindigan niya ang kaniyang naging Notice of Termination kung saan ay hindi na dapat ito bawiin kahit pa bigyan ulit ng US Visa si Sen. Bato Dela Rosa.

--Ads--
Atty. Virginia Lacsa Suarez, Secretary General Kilusan para sa Pambansang Demokrasya

Samantala positibo naman ang naging pananaw ng grupo sa naging pinal na desisyon ni Duterte ukol sa termination ng Visiting Forces Agreement o VFA.

Ayon kay Suarez kapag ang pinag uusapan ay VFA, nangangahulugan lamang ito ng ating soberanya. Kung tutuusin aniya ay dapat matagal na itong natapos bunsod ng hindi pagiging pantay na pagtrato at pagsunod ng US sa dapat sanang nakasaad sa kasunduan.

Giit ni Suarez na ang desisyong ito ng ating administrasyon ay maikukunsidera bilang unang hakbang sa muling pagkamit ng kalayaan at dignidad ng ating bansa.

Atty. Virginia Lacsa Suarez, Secretary General Kilusan para sa Pambansang Demokrasya

Nagsisimula pa lamang ang ating bansa at mas mainam aniya kung maging ang ‘Mutual Defense Treaty’ at EDCA ay tuluyan na ding matanggal at matapos.

Hindi din nila inaalis ang maaaring maging negatibong epekto sa ating bansa tulad na lamang ng posibilidad na mawalan ng pondo ang ating militar ngunit kung titignan ayon kay Suarez, matagal ng panahon na nanatili sa ating bansa ang US.

Atty. Virginia Lacsa Suarez, Secretary General Kilusan para sa Pambansang Demokrasya

Panahon na aniya upang matigil ang pagiging ‘under’ o sunod-sunuran ng ating bansa sa US.