BOMBO DAGUPAN – Tahasan na sinabi ni US president Joe Biden na hindi sapat ang ginagawa ni Israeli Prime minister Benjamin Netanyahu upang mapalaya ang mga bihag na hawak ng Hamas sa Gaza.
Ang mga pahayag ni Biden ay nagpapakita ng tumitinding pressure kay Netanyahu na unahin ang pagliligtas sa mga bihag na nadakip sa patuloy na labanan sa pagitan ng Israel at Hamas.
Sinabi ni Biden na hindi sapat ang ginagawa ni Netanyahu, at idinagdag na hindi titigil ang US at isusulong nito ang isang kasunduan.
Ang mga opisyal ng US ay inilarawan ang pinakabagong panukala bilang isang “take it or leave it deal,” ayon sa Washington Post.
Ito ay kasunod ng pag-kakatagpo ng Israel sa mga katawan ng anim na hostages sa Gaza noong Sabado, kabilang ang Israeli American na hostage na si Hersh Goldberg-Polin.
Ang kanilang kamatayan ay nagdulot ng malawakang protesta sa Israel mula sa mga kritikal sa pamamahala ni Netanyahu sa digmaan at krisis sa hostage.
Sa pagpupulong noong Lunes, sinabi ng mga opisyal ng US na tinalakay ni Biden at ni Bise Presidente Kamala Harris ang mga susunod na hakbang sa pagsisikap na iligtas ang mga hostages, kabilang ang patuloy na pag-uusap kasama ang mga co-mediator na Qatar at Egypt.