DAGUPAN CITY – Mainit na tinanggap ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley ang pagdating ni Israeli Ambassador to the Philippines Dana Kursh sa kanilang bayan bilang bahagi ng layunin na palakasin pa ang ugnayan ng Israel at Pilipinas.
Mainit itong sinalubong ng mga opisyalis ng Pamahalaang Bayan sa pangunguna ni Mayor Pedro “Pete” Merrera III.
Ang pagbisita ni Ambassador Kursh ay sa layuning magbigay galang, pakikiramay at pagpupugay sa pamilya ng bayaning Pilipino na si Angelyn Aguirre, isang Filipina caregiver na tubong Binmaley na nagbuwis ng buhay habang tapat na ginagampanan ang kanyang tungkulin sa Israel.
Binigyan ng pagkakataon ang pamilya at ang Ambassador na makapag-usap nang pribado bilang paggalang at pakikiramay.
Matatandaan, si Angelyn ay kabilang sa mga nasawi sa gitna ng karahasang dulot ng teroristang Hamas noong Oktubre 7, 2023.
Mas pinili nitong manatili sa tabi ng kanyang inaalagaang senior citizen hanggang sa huli.
Nagkubli ang OFW sa isang bomb shelter kasama ang inaalagaan at nakapagpadala pa ng mensahe sa kanyang pamilya sa Binmaley bago ang trahedya.
Sa kaniyang pagbisita muling tiniyak ng ambassador ang malasakit ng pamahalaang Israel sa kapakanan, kaligtasan at Karapatan ng mga Pilipinong mangagawa sa kanilang bansa Lalo na sa panahon ng krisis.
Sa kanyang official visit sa lalawigan, tumungo rin si Kursh sa provincial capitol at lungsod ng Alaminos kung saan ay nakipagppulong siya sa local na opisyal para talakayin ang mas pinalawak na kooperasyon sa pagitan ng Israel at ng mga local na pamahalaan sa lalawigan ng Pangasinan.
Kasabay nito ay nagpasalamat si Mayor Merrera sa pamahalaan ng Israel sa patuloy na pagtanaw ng utang na loob.
Bukas naman si Merrera sa anumang tulong na ibibigay ng Israel sa Binmaley gaya ng pagsasanay sa modernong teknolohiya para sa agrikultura.










