Hindi bababa sa 10 katao ang nasawi at iba pa ang nasugatan matapos ang isang airstrike ng Israel malapit sa isang paaralan na nagsisilbing kanlungan ng mga lumikas na Palestino nitong Lunes, ayon sa mga health official.
Naganap ang pag-atake sa silangan ng Maghazi refugee camp sa gitnang bahagi ng Gaza Strip, kung saan sinasabing nagkaroon muna ng kaguluhan sa pagitan ng mga residente at isang Israeli-backed militia na umano’y nagtangkang mangdukot sa ilang tao.
Ayon sa mga saksi at medic, sa gitna ng kaguluhan ay nagpaputok ang Israeli drones ng dalawang missile na tumama sa naturang komunidad na tinitirhan ng mga displaced residents.
Sa hiwalay na insidente, isang Palestino din ang nasawi at isang bata ang nasugatan matapos tamaan ng airstrike habang sakay ng motorsiklo sa Gaza City. Isa pang Palestino ang napatay nang paputukan ng Israeli forces ang isang sasakyan sa central Gaza, na nagtaas sa kabuuang bilang ng nasawi sa hindi bababa sa 12 sa kaparehong araw.
‘Wala pang opisyal na pahayag ang Israeli military kaugnay ng mga insidente.
Samantala, patuloy ang sisihan sa pagitan ng Hamas at Israel hinggil sa mga paglabag sa umiiral na tigil-putukan na sinusuportahan ng Estados Unidos.
Ayon sa Gaza health ministry, hindi bababa sa 700 katao na ang nasawi dahil sa pambobomba na ginagawa ng Israel mula nang magsimula ang ceasefire. Sa panig naman ng Israel, sinabi nitong apat sa kanilang sundalo ang napatay ng mga militante sa parehong panahon.
Nagaganap ang panibagong karahasan habang nagpapatuloy ang tensyon sa usapin ng disarmament ng Hamas—isang pangunahing hadlang sa susunod na yugto ng peace plan na isinusulong ni U.S. President Donald Trump.










