Dagupan City – Nanatiling sarado ang Israel Defense Forces (IDF) sa anumang kasunduang tigil-putukan sa pagitan ng bansa at grupong Hamas.

Ayon kay Shay Kabayan, Bombo International News Correspondent sa Israel, makikitang sa aksyon pa lamang ng Israel ay wala na itong balak pang payagan na magkaroon ng relasyon sa grupo.

Aniya, malinaw din ang layunin ng Israel na itumba ang grupong Hamas kahit pa may mga nadadamay na ring mga inosenteng indibidwal.

--Ads--

Sa kasalukuyan kasi ay patuloy pa rin ang isinasagawang air strike ng Israel laban sa grupong Hamas partikular na sa bahagi ng mga hospital na siyang nagsisilbing shelter ng grupo.

Nauna nang binigyang diin ni Kabayan na dati pang nagsasawa ng kilos-protesta ang ilang mga indibidwal sa bansa upang patalsikin sa pwesto si Prime Minister Benjamin Netanyahu bago pa man sumiklab ang giyera, ngunit ngayon ay mas umigting lang aniya dahil sa isa ito sa pinaniniwalaang pangunahing hadlang sa kasunduan ng dalawang panig.