DAGUPAN CITY- Naniniwala ang Federation of Free Workers na magdadala ng malinaw na accountability sa kamara ang isinusulong ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos na ‘no work, no pay’ policy.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Julius Cainglet, Vice President, Federation of Free Workers, aniya, magiging sukatan ito kung ginagampanan ng isang kongresista ang kaniyang tungkulin.

Giit niya na kung tutuusin ay ‘unfair’ na ang pagsahod ng isang mambabatas na hindi naman pumapasok sa mga sessions kung hindi naman buong taon ay may pagdinig sa kamara.

--Ads--

Binigyan diin niya ang pantay na karapatan ng mga ordinaryong manggagawa at ang mga opisyal ng gobyerno na sumasahod mula sa buwis ng bayan.

Ang pagkakaroon ng excess absences ay nararapat lamang maging sapat na dahilan upang patalsikin sa tungkulin ang isang mambabatas.

Mungkahi ni Cainglet na maipatupad din ito sa senado ngayong hindi pa rin nakikitang dumadalo sa mga sesyon si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Ang patuloy na hindi pagpapakita ni Sen. Dela Rosa ay hindi naman aniya konektado sa tungkulin nito, bagkus ay pansaraling interes lamang ng senador.