Dagupan City – Itinigil na ngayong araw ang isinasagawang search and rescue operations sa Baltimore bridge sa Maryland,USA.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Paula Cordero Van Epps, Bombo International News Correspondent sa Maryland, USA, bagama’t puspusan ang isinagwang operasyon sa paghahanap sa nangyaring insidente, kung saan ay gumamit na rin sila ng devices upang malaman kung may mga nahulog bang mga sasakyan sa bahagi ng tulay ay nagdesisyon na rin sila ngayong araw na itigil na ang iba pang operasyon.
Ito’y matapos nang ilang rescue operations na ang ginawa, subalit hindi pa rin nahahanap ang 6 na iba pang indibidwal na nawala sa nasabing bahagi matpos mangyari ang insidente.
Pagbabahagi pa ni Cordero, hindi lang ito ang unang beses na may napaulat na nasapol ang tulay, dahil noong nakaraang taong 2023 ay nadawit na rin ito. Dagdag pa rito ang nangyari noong 2016 kung saan ay may naitala ring pagkasira ngunit ilang suri na ang ginawa ay kinumpirmang maayos pa rin ang kalagayan nito.
Isa naman sa nakikitang dail ay ang pagbubuhat ng tulay ng nasa higit 35,000 mga sasakayan kada araw dahil na rin sa 4 na linya ang daanan nito.
Nauna naman nang binigyang diin ni Cordero na bagama’t itinigil na ang isinasagawang operasyon sa mga nawawalang indibidwal, ay nagpapatuloy pa rin naman ang isinasagawa nilang imbistigasyon sa kung ano nga ba ang naging sanhi ng pagkasira nito.
Matatandaan na lumalabas sa isang unclassified memo ng United States Cybersecurity and Infrastructure Security Agency na ang barko na bumangga sa Baltimore bridge ay nawalan ng kakayahan na umandar habang ito ay papaalis ng Baltimore Harbour kung saan ay makikita sa video ang pagpatay-sindi ng mga ilaw ng container ship bago ang pagsalpok nito sa tulay na isa marahil indikasyon ng pagkawala ng suplay ng enerhiya nito.