DAGUPAN CITY– Maigting ang isinasagawang checkpoint sa bayan ng Pozorrubio upang hindi makapasok sa lalawigan ng Pangasinan ang mga baboy na infected ng African Swine fever.

Ayon kay Police Maj. Rommel Bagsic, hepe ng Pozorrubio PNP, kasama nila sa checkpoint na kanilang isinasagawa ang mga Provincial Veterinarian.

Sinabi ni Bagsic na tinatayang hanggang sa anim na truck na may kargang buhay na baboy ang idinadaan sa kanilang bayan kada araw .

--Ads--

Giit nito na pinapapasok nila ang mga ibinabiyaheng baboy sa lalawigan ngunit sumasailalim sa inspeksyon at sanitasyon.

Una rito, ipinagbawal ng Department of Agriculture ang pag-angat ng mga meat products noong Agosto ng nakaraang taon mula sa mga bansang China, Hongkong, Macau, Vietnam, Cambodia, Belgium, Russia, Ukraine, Bulgaria, Hungary, Czech Republic, Latvia, Moldova, Poland at Mongolia kung saan apektado ng African swine fever o ASF.