DAGUPAN CITY- Naging matagumpay ang isinagawang prayer rally at candle lighting sa Ephiphany of Our Lord Co-Cathedral Parish Church at St. Rose of Lima Parish Church sa bayan ng Lingayen, kanina, bilang pakikiisa sa malawakang panawagan laban kurapsyon.
Ayon kay Most Rev. Fedelis Layog, Parish Priest, Epiphany of Our Lord Co-Cathedral Parish Church Lingayen, walang negatibong nangyari o karahasan kung saan naging tahimik ang pagdalo ng halos isang daang deboto.
Aniya, layunin ng aktibidad na makiisa sa kaganapan at mabigyan ng liwanag ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot at gumagawa ng katiwalian, partikular na sa kurapsyon.
Nais nilang ipabatid ang mensaheng matigil na ito at magkaroon ng maayos na pamumuno sa bansa.
Dagdag pa niya, nangangahulugan ang kanilang candle lighting na may kapangyarihan ang liwanag na mula sa gabay ng Diyos.
Pagpapahiwatig ito ng pag-asa, at sa pagkakaisa bilang isang parokya at isang bansa ay malalabanan ang kurapsyon sa bayan.