Dagupan City – Nakatakdang magsampa ng kasong kriminal si Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte laban sa ilang opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at ilang kongresista sa Quezon City Prosecutor’s Office ngayong Lunes, Abril 27, 2026.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst, mas matimbang ang argumento na ang naturang usapin ay saklaw ng exception sa bank secrecy law.
Ipinaliwanag niya na ang alegasyon ni Carpio hinggil sa umano’y paglabag sa pagbubunyag ng kanyang bank accounts ay maaaring hindi pumasok sa proteksyon ng nasabing batas.
Ani Yusingco, ang mga impormasyong inilalabas sa pagdinig ng Committee on Justice ay bahagi ng impeachment process, na may natatanging katayuan bilang isang constitutional mechanism.
Dahil dito, ang mga detalyeng may kinalaman sa bank accounts na lumalabas sa naturang imbestigasyon ay hindi sakop ng bank secrecy law.
Binigyang-diin din niya ang malaking pagkakaiba ng isang ordinaryong kaso at impeachment proceedings.
Aniya, mas mabigat ang impeachment dahil ito ay nakabatay sa Konstitusyon. Dagdag pa niya, mahalaga na ang pagbubunyag ng impormasyon ay naganap mismo sa loob ng impeachment hearing, dahil kung ito ay nangyari bago pa man ang naturang proseso, maaaring magkaroon ng legal na isyu.
Sinabi rin ni Yunsingco na ang testimonya mula sa AMLC at Office of the Ombudsman ay maaaring magsilbing “clear and convincing evidence” upang suportahan ang mga paratang sa kaso.
Inaasahan namang magpapatuloy ang impeachment trial, kasabay ng posibleng epekto ng paghahain ng kaso sa kredibilidad ng mga sangkot na opisyal mula sa BSP, AMLC, at Kongreso.
Samantala, iginiit ni Yusingco na dapat pag-isipan ng publiko ang panukalang gawing mandatory na saklaw ng bank secrecy law ang mga public officials, lalo na kung ito ay nagiging kasangkapan umano sa mga anomalya.
Nanawagan din siya sa taumbayan na bantayang mabuti ang mga pondong pinag-uusapan, dahil ito ay mula sa buwis ng mamamayan.










