Isang zoo sa China ang pinutakte ng batikos matapos nilang pinturahan ng itim at orange ang balahibo ng dalawang asong Chow Chow para magmukhang tigre.
Ang kontrobersyal na video ay unang lumabas sa social-media app na Douyin, ang Chinese version ng social media platform. Makikita sa footage ang dalawang “tigre” na nakakulong sa wooden pens sa Taizhou Zoo, Jiangsu Province, ngunit mabilis itong nabisto ng mga netizens.
“Isn’t that just a dog?” tanong ng isang user, habang marami ang nagsabing hindi sila maloloko ng zoo dahil halatang-halata na hindi ito totoong tigre.
Sa harap ng matinding reaksyon, inamin ng pamunuan ng Taizhou Zoo na hindi nga tunay na tigre ang nasa enclosure, kundi mga asong kinulayan lang para sa isang “gimmick.” Depensa pa ng representative ng zoo, wala namang health risks sa ginawang pagda-dye ng fur ng mga aso, at ikinumpara pa ito sa mga tao na nagkukulay ng buhok.
Hindi ito ang unang beses na may zoo sa China na gumamit ng ganitong taktika. Noong isang taon, pinintahan din ng Shanwei Zoo ang mga aso para magmukhang panda, na nagdulot din ng matinding backlash mula sa publiko. Marami ang nag-demand ng refund matapos madismaya sa panloloko ng naturang zoo.