Edukasyon ang isa sa mga kayamanan na hindi matutumbasan ng anumang halaga. Kaya labis ang tuwa ng isang World War II veteran sa Rhode Island sa Estados Unidos nang matanggap niya ang kaniyang high school diploma.
Hindi na nagawang makapagtapos pa ni Anthony Simeone, ang naturang 98-year-old World War II veteran, dahil kinailangan niyang huminto sa pag-aaral noong 16 anyos pa lamang siya upang makatulong sa kaniyang pamilya. Sa edad na 17, nagpa-enlist siya sa U.S Army upang sumabak naman sa World War II.
Kabilang si Simeone sa nagbuwis ng kaniyang buhay sa “Battle of Bulge” noong 1944 kung saan maraming mga sundalo ang nasawi dahil sa lamig at nakaranas ng frostbite.
Sa kaniyang pagbabalik sa Estados Unidos, natanggap niya ang kaniyang General Educational Development (GED). At sa ngayon, sa tulong ng Cranston High School East, opisyal niyang natanggap ang kaniyang high school diploma.
Ang kaniyang apo, na isang guro sa isang elementarya sa Cranston, ang nag-organisa ng seremonya.
Saad ni Simeone, hindi niya inaasahan na matatanggap niya ang naturang parangal.