Mga kabombo! Nasubukan mo na rin bang kahiligan ang pagpapahaba ng iyong kuko? Gaano katagal ang inyong inaabot bago ito tuluyang putulin?
Isang Vietnamese Artist ang nakapagsungkit ng world record na may pinakamahabang kuko sa buong mundo.
Umabot ng tatlong dekada si Luu Cong Huyen para mapahaba ang kaniyang mga kuko sa parehong kamay na umaabot ng 594.45 cm.
Alam niyo ba na ang habang ito ay higit pa sa tangkad ng isang matandang giraffe?
Hindi lamang haba ang ipinanglalaban ni Huyen dahil ang kaniyang mahahabang kuko ay nababalot sa iba’t ibang kulay ng pintura dulot ng pagpipintura niya ng magagandang mural sa gilid ng mga kabahayan.
Ibinahagi niya na 34 taon na ang nakalilipas nang huli niyang putulin ang sariling mga kuko dahil sa kagustuhang sundan ang yapak ng ama sa pagiging shaman.
Gayunpaman, hindi niya ipinagpatuloy na tahakin ito nang abisuhan siya ng kaniyang ama.
Saad pa ni Huyen, pinagpatuloy na lamang niyang pahabain ang mga kuko dahil ramdam niyang hindi siya sanay pag nawala na ito at mapapagod lamang aniya, siya.