DAGUPAN CITY- Napawi lahat ng pagod ni Erico Sam Bolasoc, Rank 6 passer sa Certified Public Accountant Licensure Examination, mula sa kaniyang paghihirap noong siya ay nagrereview nang tumambad sa kaniya ang sariling pangalan na kabilang sa mga nakapasa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya, hindi niya maikakailang mahirap ang pinagdaanang examination subalit, hindi ito naging balakid upang maisakatuparan ang panalangin na mapabilang din sa mga top notchers sa kaniyang first take.

Ibinahagi niya na ang pagiging focused sa pag-aaral ang naging sandata niya upang makapasa.

--Ads--

Nakatulong pa sa kaniya ang suportang nakuha mula sa mga dorm mates kung saan binigyan siya ng komportableng environment para makapag-aral.

Habang papalapit na ang pagsusulit, naging motibasyon niya ang pagsisikap ng kaniyang magulang upang magpatuloy at ibigay ang lahat ng kaniyang makakaya.

Kaya labis niyang pinasasalamatan ang kaniyang magulang sa lahat ng suporta na ibinigay para sa kaniyang pag-aaral.

Nagpapasalamat din si Bolasoc sa natanggap na suporta at pagsasanay mula sa kaniyang paaralan na Kingfisher School of Business and Finance.

Samantala, agad din sasabak sa pagtatrabaho si Bolaso makalipas ng saglitang pagpapahinga lamang.