Kalunus-lunos ang sinapit ng isang 22 anyos na steelman o magbabakal matapos masagasaan ng crane truck ang kaniyang ulo habang natutulog sa ilalim ng truck sa Barangay Baay sa bayan ng Lingayen dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Duguan ang higaang plywood at durog ang ulo nang matagpuan ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho ang biktimang si Jimuel Florante, steel-man ng TJV Velasco Construction and Supply na residente ng Dampigan, Sta. Rita, Samar habang ang crane truck ay minamaneho naman ng 27 anyos na crane helper na si Jaime Fernandez na residente ng Dinalaoan, Calasiao .

Ayon kay Police Staff Sergeant Hercules Salinas, duty investigator, kasalukuyang natutulog noon sa ilalim ng crane truck ang biktima nang paandarin ito ng kaniyang kasamahan sa trabaho na si Jaime Fernandez at aksidenteng nasagasaan ang ulo ng biktima na nagresulta sa kaniyang agarang pagkamatay.

--Ads--

Ayon naman sa operator ng crane truck na nakasagasa sa biktima , aksidente lamang ang nangayri at hindi niya nakita ang biktima dahil sa likod ng crane truck ito naglatag ng higaan.

Nabatid sa kapatid ng biktima na si Joey Florante na palaging doon nagpapahinga ang biktima pero dahil sa napaaga ang pagooperate, hindi na napansin ng operator ng crane truck na nakahiga ang biktima.

Samantala, hindi na magsasampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide ang pamilya ng biktima at sasagutin ng kompaniya ang danyos.

Mensahe naman ng mga imbestigador na suriin munang mabuti ang paligid bago magoperate ng mga heavy equipments para maiwasan ang ganitong insidente.