DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! Naniniwala ka ba sa mga pambihirang bagay sa mundo?

Maniniwala ka rin ba kung may magsabi sayong mayroong snail na kayang mangitlog gamit ang leeg?

Isang pambihirang tanawin ang naitala sa kauna-unahang pagkakataon sa New Zealand, kung saan isang malaking snail na kilala bilang Powelliphanta augusta ang nakita habang nangitlog mula sa leeg nito.

--Ads--

Ang kakaibang eksenang ito ay nakuhanan sa isang conservation facility sa West Coast ng South Island, kung saan halos dalawang dekada nang inaalagaan ang mga endangered snail sa mga specially cooled na lalagyan, na ginagaya ang malamig na klima sa tanging natural nilang tahanan, isang bundok na ngayon ay naapektuhan na ng pagmimina.

Ayon sa mga saksi, ang itlog, na animo’y maliit na itlog ng manok, ay lumabas mula sa bukana sa ilalim ng ulo ng kuhol ay bahagi ng genital pore na ginagamit ng mga hermaphrodite tulad ng Powelliphanta augusta upang makipagpalitan ng sperm at mabuo ang itlog.

Ayon kay Lisa Flanagan ng Department of Conservation, nakakagulat na sa tagal ng kanilang pangangalaga, ngayon lamang nila nasaksihan ang mismong pag-itlog.

Isa itong makasaysayang dokumentasyon na makatutulong sa konserbasyon ng isa sa mga pinaka-bihirang invertebrate sa bansa.